MANILA, Philippines – Naniniwala si Nationa­list Peoples Coalition (NPC) senatorial bet Win Gatcha­lian na maaring ipatupad ang free tuition sa lahat ng State Universities and Colleges (SUC’s) para sa mga college students.

Sinabi ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian na inihain niya ang ‘Free Higher Education Act’ upang buwagin ang lahat ng matrikula sa state universities and colleges (SUCs) sa may milyong kabataang Pilipino.

Subalit laking gulat umano ni Gatchalian ng tanggihan at ibasura ng CHED ang panukala at ideklara ang Free Higher Education na mapa­nganib sa interest ng pribado at pampublikong institusyon o kolehiyo.

Aniya, P15 bilyon lamang ang kinakailangang pondo upang maisakatuparan ang kanyang panukala na free tution fee sa mga SUC’s na 0.5 percent lamang naman ng P3 trilyong national budget.

Sa kaniyang pagharap sa mga miembro ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at National Union of Students of the Philippines (NUSP), iginiit nito na naiwasan sana ang pagpapaka­matay ng UP student na si Kristel Tejada kung ito ay pinagtibay ng pamahalaang Aquino.

Idinagdag pa nito, nasa 2.4 milyon kabataan ang hindi nakapag-aral ng kolehiyo dahil sa mahal ng tuition fee habang nasa 3 milyon naman ang hindi nakapasok sa college dahil minabuti nilang magtrabaho na lamang.

Bukod dito, kinondena rin nito ang pagiging bias ng CHED sa  private higher education institutions (HEIs) dahil hindi ito dapat kumiling dito kungdi maging patas at masi­gurong matupad ang mandato nito na magkaroon ng kalidad na edukasyon para sa lahat.

Source: http://www.philstar.com:8080/bansa/2016/03/22/1565303/free-tf-sa-sucs-uubra-sa-p15-b-budget-gatchalian

Advertisements